ST. AGNES' ACADEMY

4500 Rizal Street, Legazpi City, Philippines  (052) 480-1682

Buwan Ng Wika

PEACEta AT paSasAlamAt Nagbigay Kulay sa Buwan ng Wika

G. Joel C. Doblon at Camille Astrid O. Britanico

 

             Mula sa paglunsad noong Agosto 7, 2009, nagtapos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Agosto 28, 2009 na may temang “Wikang Filipino: Pamana sa Mapayapa at Nagkakaisang Bansa.”

 

          Inilunsad ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa isang maikling palatuntunan pagkatapos ng misa para sa Unang Biyernes ng Buwan noong Agosto 7, 2009. Ilang piling mag-aaral ang nagpakita ng husay at galing sa iba’t ibang larangan, unang itinanghal ang tulang “Ganda ng Pilipinas, Galing ng Pilipino” na binigkas ni Nashla Locsin ng III-St. Placid, sinundan ito ng pagtugtog ng Band Club ng awiting “Pinoy Ako”, “Tinikling” mula sa mga piling miyembro ng Dance Club at ang panapos na sayaw-interpretatib na “Bayan Ko” ng Entablado.

 

          Isinagawa ang serye ng patimpalak at mga takdang-gawain sa mga sumunod na araw.  Isa na rito ang paggawa ng poster noong Agosto 10 at ang pagsulat ng sanaysay noong Agosto 14. Nanood ang mga interesadong mag-aaral ng mga pelikulang Digital sa pakikipagtulungan ng BINHI tuwing Miyerkules at Huwebes pagkatapos ng mga klase. Sumuri rin ng mga piling pelikula ang bawat klase sa ikatlong linggo ng buwan.

          Nakiisa ang lahat sa isang araw na panapos na gawaing “PEACEta sa Sta. Ines” sa pamamagitan ng pagsuot ng mga Pilipinong Kasuotan noong Agosto 28, 2009. Sinimulan ito sa isang parada sa loob ng paaralan kasama ang lahat ng mga mag-aaral at mga kalahok sa Sagala ng mga Sikat

 

         Nagtipun-tipon ang lahat sa HS Quadrangle. Pinangunahan ng GS Drum and Lyre Corps ang parada at dumaan ito sa ilang bahagi ng kampus patungong rotonda hanggang sa makarating sa Gymnasium na kung saan nanatiIi ang mga mag-aaral para sa isang maikling programa. Ipinakilala ang mga kalahok sa sagala, ang mga sikat na tauhan sa Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere at El Filibusterismo kasama rin ang mga piling pareha ng bawat klase sa kanilang natatanging Kasuotang Pilipino.

 

              

Pagkatapos ng 40 minutong pamamahinga, simulan ang ikalawang bahagi, ang panapos na palatuntunan na pinamagatang “Panata: Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”. Binuksan ito ng isang Doxology mula sa mga piling miyembro ng Entablado at pagkanta ng Pambansang Awit.

 

                Sinundan ng pambungad na bilang ng Glee Club at ng ilang miyembro ng Dance Club. Naging panauhin sa bilang na ito sina G. Doblon, Gng. Baldon, Gng. Epino, G. Tuazon, G. Bulawan at G. Magdaong kaya napuno ng hiyawan at paghanga ang tanghalan. “Kung Tuyo na Ang Luha Mo, Aking Bayan”, ang sabayang pagbigkas ng mga mag-aaral ng IV-St. Lorenzo ang sumunod. 

 

                 Pagkatapos, binigyang buhay ng mga mag-aaral ng III-St. Maurus ang obrang “Si Pingkaw” ni Isabelo Sobrevegos. Makabagong sayaw ng mga piling mag-aaral sa ikaapat na taon at  Sayaw-interpretatib na “Babalik Ka Rin” ng Entablado ang sunod na natunghayan. Sinundan ito ng “Ang Pilipinas sa Gitna ng mga Kontrobersiya”, isang spoof tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng bansa na itinanghal  ng III-St. Placid. Binigyan naman ng bagong himig ng Band Club ang ilang awiting makabayan. Ang dokyumentaryong sanaysay na “Panata sa Bayan” ang  sunod na ipinakita sa mga manonood.  Inialay sa lahat ang panapos na awiting “Umagang Kayganda” ng Glee Club kasabay ang lahat ng guro sa Hayskul. Naging tagapagsalaysay ng tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” sina Bb. Jean Roa at Bb. Joelyn Bocala.

 

                
Pagdating ng hapon, muling nagtipun-tipon ang mga mag-aaral sa Gym para tunghayan naman ang mga panalong galaw ng SAA Pep Squad sa nakaraang Milo Marathon at pinanood ang mga kaklase na kalahok sa Laro ng Lahi.